Saturday, May 21, 2011

puting watawat


Sinisilayan ko ang kukang liwayway
ang kagandahan ng pagsikat ng araw
ang walang katapusang pag-awit ng ibon ay aking pinakikinggan
ang bawat kalansing ng naglalaglagang dahon mula sa puno
at ang hamog na dulot ng katahimikan ng gabi 
ay bumabalot sa aking katawan.

subalit isang madilim na ulap
ang tumakip sa kagandahan ng araw na aking sinisilayan
isang malakas na hangin ang humagupit at tumalo sa hamog
na nagpalakas ng kalansing ng mga dahon sa puno
napalitan ng isang malakas na pagkulog at pagkidlat
ang magandang awit ng mga ibong aking pinakikinggan

tuluyan nang nabalot ng ng dilim ang kalawakang tahimik
ngayo'y nagngangalit, ngayo'y nag-iinit
tuluyan nang nilupig ng ulap ang araw na nagpupumilit sumikat
ngayo'y lumuluha, ngayo'y nagmamakaawa

batid ko ang hirap ng araw sa pakikipaghidwaan
upang bigyan ako ng liwanag
batid ko ang pagpapakasakit ng mga ibong
nais akong awitan
batid ko ang pag-iwas ng mga dahong
wag magsihulog upang hintayin ang umaga
batid ko ang pagkayamot ng hamog
sa pagpalit sa kanya ng makapangyarihang hangin...

kailan hihinto ang kanilang pag-hihirap?
kailan ko itataas ang PUTING WATAWAT?

No comments:

Post a Comment