Saturday, September 29, 2012

PIYESA SA SIGABO 2012 (REGIONAL CONTEST)


SINING: TULAY TUNGO SA PAG-UNLAD NG KINAGISNANG KULTURA
NI: Bb. WINNAFLOR G. GASPAR



Kultura..repleksyon ng ating kasaysayan
Pagpapakita ng tradisyon, pamahiin, kaugalian maging edukasyon
Iba-iba man ang pinagmulan
Iisa ang pinatunguhan
Ang pagkakakilanlan ng bansang ating pinaglaban!

Bayanihan, pakikisama
Hiya, delikadeza,
Utang na loob, palabra de honor, bahala na
Pagmamahal sa pamilya, paggalang sa matatanda
Pagdarasal sa ating Poong Maykapal
Mga kaugaliang Pilipinong di dapat mawaglit, di malilimot.

Pasko, Bagong-taon,
Mahalnaaraw, Todos los Santos
Santakrusan, pyesta,pestibal
Mga selebrasyong patuloy na ipinagdiriwang.

Ngunit...
Dahil sapatuloy na pag-inog ng panahon
Kultura’y nalilimot ng bagong henerasyon
Teknolohiya at mga makabagong imbensyon
Ang tumitimo na sa isipan ng kabataan ngayon.

Limot na nga ba, ang ating kultura?
Mga tradisyon ng ibang rehiyon ay naisantabi na!
Pagka’ t niyakap na ng makabagong panahon,
Ang kultura, na siyang nagpatatag sa ating pagka-Pilipino.

Gising Pilipino, Gising, Gising!
Gisingin ang natutulog na damdamin
Gisingin ang diwang natabunan ng dilim
Gising Pilipino, nariyan ang Sining!

Sayaw, musika, arte, pintura
Literatura, arkitektura, midya at iskultura
Lahat ng ito’y makatutulong
Sa pagsulong at pag-unlad ng ating kultura.

Kilos ng katawan, talas ng isipan
At indayog ng ating natutulog na nakaraan
Mga sayaw at ritwal ng mga ninuno
Bahagi ng sining sa ating kultura.

Himig ng nakalipas na panahon
Tinig ng kasaysayan
Mga kantahingbayan ng bawat rehiyon
Musika’y  maikikintal at maiparirinig.

Tinta ng katalinuhan
Pluma ng karunungan
Mga bugtong, salawikain at iba pang akdang pampanitikan
Mga kwento noong unang panahon
Sa pamamagitan ng Literatura, mababasa ang likha ng mga makata

Kulay ng imahinasyon
Pintura ng nagngangalit na kahapon
Mga larawan ng dapit-hapon
Sa tulong ng biswal, mabubuhay ang gunitang nagpatiwakal.

Maskara ng katotohanan
Tanghalan ng nagkukubling kaganapan
Dalit, duplo, sarswela’t karagatan
Sa tulong ng arte, magigising ang diwa’t damdamin.

Sa tulong ng sining, kultura’y mapananatili
Sa tulong ng sining, kultura’y maipamamahagi
Sa tulong ng sining, kultura’y susulong
Sa tulong ng sining, kultura’y uunlad..
Pagkat isa ang sining, sa instrumento ng pag-unlad ng kinagisnang kultura. 

No comments:

Post a Comment