1.
Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na
diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa
ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase. Ngayo’y bakasyon na. Si
Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak siya sa bunton ng mga
maalikabok na polder at enbelop.
2.
Isang araw, isang mapaglarong hangin ang
nanunuksong umihip sa silid. Inilipad niya sa labas si Nemo.
3.
Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong
tumaas siya; naroong bumaba. Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng aratiles.
Nang mapadpad siya sa tabi ng daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na
sasakyan. Inangilan siya ng dyip. Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
4.
Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo.
Nagpatawing-tawing siya sa hangin bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na
damo sa palaruan. Nakahinga nang maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa
dami ng nagtatakbuhang paa na muntik nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang
mga bata at kay sasaya nila!
5.
Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang
mga naglalarong bata. Inggit na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang
mga bata sa palaruan, gustong-gusto rin niyang maging isang tunay na bata.
6.
“Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto
kong tumakbo tulad ng totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng
totoong bata!”
7.
Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto
mong matupad, kailangang sabihin mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
8.
Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit
si Nemo. Hinintay niya ang paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita
niya ito, sinabi niya ang kaniyang hiling.
9.
“Bituin, bituin, tuparin ngayon din Ako’y gawing
isang batang masayahin!”
10. Pumikit
nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang paligid at
nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
11. Totoong
bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na
walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid
na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong
bahay.
12. “’Wag
kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho kayo!”
13. Kaya
napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
14. Palakad-lakad
si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na bus. Hindi niya
pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano makakatulong
sa kaniyang totoong pamilya.
15. Kahit
bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng
sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
16. Pagod
na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang kaniyang
pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa
paaralang pinanggalingan niya.
17. Pero
dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si Nemo ng
libro.
18. “Hindi
ka bagay dito!” sabi ng libro.
19. “Ang
baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
20. “Ang
dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
21. “Alis
diyan!”
22. Kaya
napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang sa gilid
ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At
kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
23. “’Wag
mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
24. Malungkot
na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na lungsod, sa
bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng sampagita.
May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa mga
sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na
plastik na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng
mangmang na ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na
akay-akay ng matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng
mata.
25. “Kay
dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
26. Kung
gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batang kalye ay
nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro.
Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni
Nemo na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa
sulok ng kanilang mata.
27. Sumama
si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang bahagi ng
parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman ni
Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang kailangang
maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
28. Tinipon
ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila, nalaman nilang
pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos na tahanan,
masayang paaralan, at sapat na pagkain.
29. Ipinagtapat
ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang pangarap kapag
hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa
pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
30. “Bituin,
bituin, tuparin ngayon din Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
31. Sa
isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay
gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa
magulong pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
32. Nagtaka
ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel. Marami ang naawa
sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang mga batang
papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at mabuhay
sa malupit na kalsada.
No comments:
Post a Comment