Saturday, September 29, 2012

PIYESA SA SIGABO 2012 (REGIONAL CONTEST)


SINING: TULAY TUNGO SA PAG-UNLAD NG KINAGISNANG KULTURA
NI: Bb. WINNAFLOR G. GASPAR



Kultura..repleksyon ng ating kasaysayan
Pagpapakita ng tradisyon, pamahiin, kaugalian maging edukasyon
Iba-iba man ang pinagmulan
Iisa ang pinatunguhan
Ang pagkakakilanlan ng bansang ating pinaglaban!

Bayanihan, pakikisama
Hiya, delikadeza,
Utang na loob, palabra de honor, bahala na
Pagmamahal sa pamilya, paggalang sa matatanda
Pagdarasal sa ating Poong Maykapal
Mga kaugaliang Pilipinong di dapat mawaglit, di malilimot.

Pasko, Bagong-taon,
Mahalnaaraw, Todos los Santos
Santakrusan, pyesta,pestibal
Mga selebrasyong patuloy na ipinagdiriwang.

Ngunit...
Dahil sapatuloy na pag-inog ng panahon
Kultura’y nalilimot ng bagong henerasyon
Teknolohiya at mga makabagong imbensyon
Ang tumitimo na sa isipan ng kabataan ngayon.

Limot na nga ba, ang ating kultura?
Mga tradisyon ng ibang rehiyon ay naisantabi na!
Pagka’ t niyakap na ng makabagong panahon,
Ang kultura, na siyang nagpatatag sa ating pagka-Pilipino.

Gising Pilipino, Gising, Gising!
Gisingin ang natutulog na damdamin
Gisingin ang diwang natabunan ng dilim
Gising Pilipino, nariyan ang Sining!

Sayaw, musika, arte, pintura
Literatura, arkitektura, midya at iskultura
Lahat ng ito’y makatutulong
Sa pagsulong at pag-unlad ng ating kultura.

Kilos ng katawan, talas ng isipan
At indayog ng ating natutulog na nakaraan
Mga sayaw at ritwal ng mga ninuno
Bahagi ng sining sa ating kultura.

Himig ng nakalipas na panahon
Tinig ng kasaysayan
Mga kantahingbayan ng bawat rehiyon
Musika’y  maikikintal at maiparirinig.

Tinta ng katalinuhan
Pluma ng karunungan
Mga bugtong, salawikain at iba pang akdang pampanitikan
Mga kwento noong unang panahon
Sa pamamagitan ng Literatura, mababasa ang likha ng mga makata

Kulay ng imahinasyon
Pintura ng nagngangalit na kahapon
Mga larawan ng dapit-hapon
Sa tulong ng biswal, mabubuhay ang gunitang nagpatiwakal.

Maskara ng katotohanan
Tanghalan ng nagkukubling kaganapan
Dalit, duplo, sarswela’t karagatan
Sa tulong ng arte, magigising ang diwa’t damdamin.

Sa tulong ng sining, kultura’y mapananatili
Sa tulong ng sining, kultura’y maipamamahagi
Sa tulong ng sining, kultura’y susulong
Sa tulong ng sining, kultura’y uunlad..
Pagkat isa ang sining, sa instrumento ng pag-unlad ng kinagisnang kultura. 

NANG MAKILALA KO ANG ISANG BATIKAN

Hindi ko alam kung bakit ako napatahimik
nang makita ko siya sa personal
siguro'y nabigla ako at natakot

pagkat siya ay nasa kaseryosohan

naisip ko bigla
lahat ng kanyang nagawa
lahat ng kanyang pinaglalaban
na nababasa ko kung saan

kaibigan siya ng mga kaibigan ko
kakilala siya ng mga kakilala ko
kaya't minsan nasabi ko sa sarili
"magkakatagpo rin tayo"

sinabi ko rin noon sa sarili na pag nakita ko siya
sasabihin kong hinahangaan ko siya (sa kanyang mga gawa)
ngunit di ko siya magambala
di ko kayang ipahayag

ako'y naglalaro
siya ay nagbabasa
ako'y palingon-lingon
siya'y nakatuon

ngunit
ako'y natuwa pagka't siya ay nagwika
akala ko'y masungit, mabait pala

ngayon..
masasabi kong isang tagumpay
na makita at makilala ng isang batikan
ang tulad kong nagsisimula pa lang sa aking larangan :)

"salamat sa libreng pamasahe sa tricycle"

Wednesday, August 22, 2012

NEMO: ANG BATANG PAPEL ni Rene Villanueva

1.      Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase. Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.
2.      Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad niya sa labas si Nemo.
3.      Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba. Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng aratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip. Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
4.      Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
5.      Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto rin niyang maging isang tunay na bata.
6.      “Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
7.      Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
8.      Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang hiling.
9.      “Bituin, bituin, tuparin ngayon din Ako’y gawing isang batang masayahin!”
10.  Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
11.  Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
12.  “’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho kayo!”
13.  Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
14.  Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
15.  Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
16.  Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa paaralang pinanggalingan niya.
17.  Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si Nemo ng libro.
18.  “Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
19.  “Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
20.  “Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
21.  “Alis diyan!”
22.  Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
23.  “’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
24.  Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
25.  “Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
26.  Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batang kalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro. Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng kanilang mata.
27.  Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
28.  Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila, nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.
29.  Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
30.  “Bituin, bituin, tuparin ngayon din Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
31.  Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
32.  Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel. Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at mabuhay sa malupit na kalsada.

Sunday, August 12, 2012

PARUPARONG BUKID

Paruparong bukid na lilipad-lipad
Sa gitna ng daan papagapagaspas
Isang bara ang tapis
Isang dangkal ang manggas
Ang sayang de kola
Isang piyesa ang sayad

May payneta pa siya — uy!
May suklay pa man din — uy!
Nagwas de-ohetes ang palalabasin
Haharap sa altar at mananalamin
At saka lalakad nang pakendeng-kendeng.


Kanina, habang pinapasuri sa amin ng prof ko ang awiting bayan na ito, nakaramdam ako ng hiya sa sarili ko. pagkat mula pagkabata, ang alam ko lang eh tungkol sa paruparo ito... ngunit nagkamali ako. Dahil sa kantang ito, naturuan kami ni sir na magkaroon ng kritikal na pag-iisip at  wag sabihing alam na ang isang bagay, sabi nga niya, HOW DID YOU KNOW THAT YOU KNOW? Panalo ka talaga sa galing Amang JCR.

Thursday, July 19, 2012

TANDANG SORA,INA NG NAG-AALAB NA REBOLUSYON SA PANAHON NG KASTILA




Melchora Aquino
Tandang Sora
Ina ng Himagsikan
Ina ng Katipunan

Ang kadakilaan mo ay ginugunita
pagkat ang iyong buhay ay inalay, Para sa bayan!
Ang iyong kagitingan ay inaalala
pagkat nag-iwan ka ng magandang kasaysayan, Para sa bansang Pilipinas!

Ika-6 ng Enero, taong 1812
Saksi ang Caloocan sa iyong pagsilang
Pinanganak mang  mahirap, ngunit walang pagdurusa
Di man nakapag-aral ay nakasusulat,  nakababasa

Pinalaki kang mabuti at may malasakit
ng iyong mga magulang, Juan at Valentina
Pagkamaka-Diyos ang siyang unang prayoridad
Simbahan ang siyang ikalawa mong tahanan.

Fulgencio Ramos iyong napaibig
Pitong anak ika’y biniyayaang giliw
Ngunit nabalot ng lungkot ang pamilyang pinagkaloob
Pumanaw ang asawa, nang bunso’y pitong taon.

Di ka natinag, di ka bumagsak
Singtibay ka ng puno, singtapang ng mandirigma
Pamilya’y binuhay nang mag-isa
Masaya, tahimik at puno ng pag-asa.

Himagsikan!!

Nasaksihan ng panahon mo ang kawalan ng kalayaan
Nang inagaw ng dayuhan ang bansang ating pinakaiingatan
Hikbi ng mga tao, galit ng mga Pilipino
Maririnig sa bawat sulok, saan mang dako

Ang kalupitan ng mga kastila’y nakamamatay
Pilipino’y tinanggalan ng laya’t pinahirapan
Pagdurusa ang araw-araw na almusal ng bawat pamilya
Paghihimagsik, Pagtatago pagtangis at paglalaban!

Sa oras ng kaguluha’y di ka umiwas
Mga sugatan ay iyong inilikas
Ginamot, pinakain, pinayuhan at inalagaan
Mga rebolusyunaryo, hindi mo pinabayaan..

Ibinahagi mo ang iyong yaman...
Ang naaapi’y di mo pinagdamutan....
Puso ay iyong  inilaan..
Para sa katipunan... sa himagsikan...

Takot ay di mo ininda
Katandaan ay hindi naging hadlang
Buhay man ang siyang manganib
Hindi sumuko... hindi bumitiw... hindi tumalikod, hindi nagtaksil...!

Ang pagdakip sayo ay hindi makatarungan
Inagawan ka ng laya dahil sa pagtulong sa katipunan
Dinala ka man sa Mariana, at doon kinulong
Di ka nagsalita,mga impormasyon di mo sinabi’t sinumbong!

Naghintay ka man nang matagal sa ibang lupain
Pagbabalik mo sa tinubuang lupa’y dumating
Subalit lahat ng yaman ay nawala
Kaya’t namuhay kang naghirap... isang maralita.
Na hindi nagreklamo, at namuhay nang payapa.

Kalayaan!!
Natamo natin ang kalayaan
At isa ka sa dakilang bayaning nagpanumbalik ng ating kalayaan
                          Dahil ikaw ay isang Pilipino! Dugong Pilipino! Dakilang Pilipino!

Tandang Sora, kinilala ka sa panahon ng agaw-buhay na pakikibaka
Ikaw ang nagsilbing ilaw sa mga taong nawawalan ng pag-asa
Simbolo ka ng kabaitan, tatak ka ng katatagan
Kahit kailan, di matatawaran ang iyong kadakilaan

Tandang Sora,
sanlibong taon man ang lumipas
hindi ka mawawaglit sa aming isipan
pagka’t sagisag ka ng bayanihan

Tandang Sora,
Sa iyong ikadalawangdaang taon
Buong puso naming ipagsisigawan
Na ikaw ay bayaning di namin makalilimutan!

Tandang Sora
Kaming mga anak mo’y lubos na  nagpapasalamat
Ikaw ang ina ng lahing Pilipino
Ina ng nag-aalab na pakikidigma ng mga rebolusyunaryo...


pyesa para sana sa kompetisyon ng sabayang bigkas para kay tandang sora

HULI NA...

Isinulat sa papel ang nais sabihin sa iyo
upang malaman mo ang nilalaman ng aking puso
dahil wala akong lakas ng loob
na sabihin mula sa bibig ang mga ito:


          ako'y nahulog sa bisig at hindi nasalo
          dahil ang kamay mo'y may ibang inaabot
          ngunit tama na!
          ang pagkalaglag ko'y husto na
          mahal kita ngunit mahal mo'y iba
          kaya't habang binabasa ang titik sa kalatas
          mahalin mo man ako'y huli na
          isinama ko na sa ihip ng hangin ang nadarama
          upang hindi na ako masaktan...
          huli na..
          huli na...
          subalit totoong mahal kita!

tulang isinulat ko noong 2006 para kay  * * *

Saturday, July 14, 2012

Late na!

PINAKAMAHUSAY SUMULAT NG TALATA PARA SA PAKSANG "KINATATAKUTANG SUBUKIN"

GRADE 7-STAR: Mikka Dalit
GRADE 7-SPA: Chandria Kate Castro at Abigail Dotado

Saturday, July 7, 2012

Pamilya



WALA PA RIN TATALO SA PAMILYA KO!. kahit ano mang unos ang dumating, mananatili kaming matatag. :)

HAY...

samahan mo ako sa aking paglalakbay 


upang makilala ang aking hinihintay 

bigyan ako ng pagkakataong siya'y masilayan 

sapagkat pag-ibig ko sa kanya ang inaasam ko habang ako ay buhay...

Sunday, June 24, 2012

KATAHIMIKAN

kung ang pag-ibig mo'y di para sa akin
hahayaan na lang kitang umibig ng iba
kahit na ako'y makaramdam ng sakit
basta lang sumaya ka
at matikman mo ang pagmamahal sa piling niya
dahil di ko kayang ibigay
ang pag-ibig na nais mo
sapagkat kaya ko lang ipadama
ang nasa puso ko
kung kaya't kahit anong sakit ay aking kakayanin
dahil ang saya mo'y kasayahan ko na rin
ako'y mananahimik...
panandaliang mananahimik...
upang kalimutan at taliuran 
ang inaasam na pag-ibig


...mula sayo




Sinulat ko noong 2007

Monday, June 18, 2012

Pinakamagandang Talata

PARA PO SA I-STAR AT I-SPA: 
Binabati ko ang dalawang mag-aaral na ito na may PINAKAMAGANDA, PINAKAMAAYOS at PINAKA ORGANISADONG talata para sa gawain noong nakaraang Linggo. Dahil sa kahabaan ng kanilang talata, tanging pangalan na lamang nila ang aking ilalagay. 


I-STAR
Jesille Vedasto


I-SPA
Chandria Kate Castro

Sunday, June 10, 2012

SUNDALONG PATPAT


ANG SUNDALONG PATPAT
Rio Alma

Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nag¬tatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahana¬pin ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung tinatawagan at dinadasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtago sa pinakamataas na ulap.” “Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong Patpat at umimbulog agad sa simoy na pumapagaspas.

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng ulap. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihilong kabayong payat. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng dagat.” “Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Pat-pat at lumundag pabulusok sa mga along nakatinghas.

Ikalimang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng dagat. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng mata¬pang na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.”

At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang malalaki’t mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pag-ahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng ulap at sumabog na masaganang ulan.

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga damo’t dahon. Nagbihis ng lungtian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog...

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka na naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat. 

Sunday, March 11, 2012

it's showtime!

halos pitong buwang pagpaplano, pag-eensayo at pag-arte bago maipalabas ang Walang Sugat. pero BUKAS, mapapanood na ng libre! kaya magkita-kita tayo sa AVR ng BHNHS para sa isang natatanging pagtatanghal ng WALANG SUGAT ni Severino reyes, sa direksyon ni Bb. Winnaflor Gaspar