Monday, July 22, 2013

PIYESA NG BALAGTASAN :)

DAPAT BA O HINDI DAPAT PALITAN NG F ANG P SA PILIPINAS ?
Ni : Bb. Winnaflor G. Gaspar
Pambansang Paaralang Sekundarya ng Batasan Hills

Lakandiwa :
Isang magandang araw pagbati ko sa inyo
mga kaibigang sa tanghala’y naririto
sumandaling makinig, ilaan ang tainga n’yo
sa isyung pagtatalunan nitong mga panauhin ko.

Kamakailan kasi’y sumabog sa tanan
Isyung kayliit kung ating titingnan
Ano’t sa dami ng pwedeng pagtalunan
Haya’t isang letra’y kanya-kanyang angilan

Dapat ba o di dapat na ating palitan
Ang ngalan ng bansang ating nakamulatan
Gawing F ang P ng Pilipinas sa palabaybayan
Isyung gumugulo panahon pa ni Magellan

Kayat upang matugunan ang ating agam-agam
Dalawang eksperto’y aking inimbitahan
ipagmamatigas kanilang pinapanigan
Kung F ang gagamitin o letrang P’y pananatilihin

Itong aking katoto sa gawi kong  kanan
Pilit sinasalungat itong kasaysayan
Di raw dapat ipilit ang ayaw ng sambayanan
Panatilihin ang letrang P na nakasanayan

Sa aking kaliwa’y kanyang ipinagpipilitan
Mungkahing palitan ng F ang pangalan
Pagkat sa ortograpiya’y naroroon naman
Upang bumagay sa panahong kasalukuyan.

Kaya’t  bago pa magdilim itong ating tanghalan
Sa tindi ng pagsabog ng mga katwiran
Pingkian ng galing atin nang subukin
Tawagin ang panauhi’t magpakilala sa atin

Sang-ayon:
Magandang araw mga kabaro kong naniniwala sa pagbabago
________________ ang sa inyo’y sumasaludo
Sumasang-ayong palitan ang P sa Pilipinas na ispeling
F ang nararapat na ating gamitin

Di-sang-ayon:
Isang mapagpalang umagang may ngiti sa aking labi
_______________ ang sa inyo’y bumabati
Letrang F ay di ko nais ipalit
Sa letrang P ng Pilipinas, akin itong igigiit

Lakandiwa:
Di pa man naglalao’y tila sili sa anghang
Pagpapakilala pa lang ay agad ang singhalan
Paano pa kaya kapag tagisa’y sinimulan
Huwag sanang delubyo umabot sa tanghalan

At upang mapakinggan unang tindig  ng sa kanan
Panig ng sang-ayon sa pagpalit ng pangalan
Kanyang ipagtatanggol umabot man sa kung saan
Atin siyang patindigin sa matunog na palakpakan!

Sang-ayon:
Noong taong 1548 bansa natin ay pinangalanan
Kastilang si Villalobos, orihinal niyang binansagan
Filipinas ay kinilala, sunod sa hari ng Espanya
Kasaysayang walang duda, katotohanang talaga

Taong 1565 nang dumating naman si Legaspi
Hanggang sa panahon ng bayaning si Mabini
Patuloy itong ginamit upang ating makamit
Kalayaang minimithi sa nang-aaliping lahi

Unang republika rin dito sa asya ay ginaya
Filipinas opisyal na tawag nila
Bansang nangunguna sa kaunlaran baga
Bakit di makita ang kanyang halaga?

Sinasabing ang wika ay buhay at nagbabago
Kaya nga’t alpabeto ay tila tao
Bakit gagamit ng abakada ni lolo
Kung sa ortograpiya’y higit kang aasenso?

Sa abakada’y walang hiram na letra
Sa gramatika at panitikang ating binabasa
Limitadong-limitado sa kaalaman sana
Na magbubuklod sa atin sa kasaysayang sinta


Kaya’t mga tagapakinig, inyo nang susugan
Letrang F sa Pilipinas, tanggapin nang lubusan
Tandaan walong letra ginagamit na natin
Filipinas ang siyang dapat  tangkilikin
Di-sang-ayon:
Mga kaibigan huwag n’yo siyang pakinggan
Utak niya’y nahaluan na ng pagkadayuhan
Pilit niyang tinatangkilik mga letrang hiniram
Kasaysayan ang dahilan, sapat nga bang batayan?

Nakasanayan na nating bigkasin ang ngalang Pilipinas
Bakit kailangan pang baguhin ang bigkas
Fifilifitin ba natin ang bawat igkas
Ng dilang di magkandatuto sa salitang Filipinas?

Pinanghahawakan  mo’y datos lamang ng kasaysayan
Noong panahon ng kastila at himagsikan
Lope K. Santos di ba’t bahagi rin naman
Na siyang unang nag-ayos ng abakadang tinuran

Ang baybay F sa Pilipinas mong ipinangalan
Wala sa Abakada nong panahon mong pinangangalandakan
Kaya’t minarapat ni Santos  na ito’y palitan
Pagka’t nagugunita lamang sa kastila’y kaapihan.

Lakandiwa :
Mukhang nagkakainitan na ang dalawa nating matikas
Mga ideya nila’y tila ginawang panghimagas
Paalala lang sa inyo mga ginoong magigilas
Ito’y isa lamang tagisan sa dulas

Muli nating pakinggan kanilang sinususugan
Bawa’t isa’y handang katwira’y ipaglaban
Kaibigang sang-ayon iyo nang simulan
Baka mo pa malimutan punto mo sa katagalan

Sang-ayon :
Di ba’t nagiging kumplikado at katawa-tawa
Patuloy na paggamit ng P sa Pilipinas baga
Gayong ang sinasabi ng konstitusyong 1973
Filipinong F ang makapangyayari

Bakit sa gayon “Filipino” ang wika ngunit “Pilipinas” ang bansa?
Kung Pilipino ang mamamayan wika at kultura
Aba’y saan galing ang tawag na “Filipina”?
Di ba’t mas praktikal na “Filipinas” ang itawag mo
At  sa mamamaya’t wika’y salitang “Filipino”?





Lakandiwa :
Matatalas at matitindi ang binitiwan nitong sang-ayon
Masasangga pa ba nitong salungat sa opinyon
Mga ipinukol na tuntuni’t batas
Paano babalikwas sa  katwirang matatas ?

Hayo na’t katwiran niya’y salungatin
Kung di na kaya’y maari namang sabihin
Sumusuko ka na’t huwag nang pakalimiin
Panig mo’y panindigan laban kung laban.

Di Sang-ayon :
Kung babaguhin man ating bansang pangalan
Bakit kailangang unang letra lang ang palitan
Dahil pagpapalit ng letra’y desisyong paurong
Ibabalik lang tayo sa nakalipas na panahon.

Ang sinasabi mong batas kanino ba nagmula?
Di ba’t sa mamamayan din na siyang lumagda
Kaya’t anumang bagay kung ayaw nila’y walang bisa
Anong ipinagmamalaki mo’t pinagsasasalita?

Kung nais pa ng proweba’y bakit di ka manood at magbasa
Nang ma-update ka sa sinasabi nila
Survey ng tv program na “Umagang Kayganda”
Ang may gusto’y labing-isa, 89 porsyento ay kontra.

Kahit pa sa social media ikaw ay bumisita
Ang yahoo.com nagsurvey sa prefer nila
Philippines, Pilipinas o Filipinas baga
Baka di mo kayanin resultang nakaloloka

9 na porsyento sa Filipinas ang gusto
 Beinte porsyento sa Pilipinas na ipinipilit ko
 71 porsyento sa Philippines ang paborito
O, ano pang hirit ang sasabihin mo?

Lakandiwa :
Aba’y nakagugulat din pala itong di sang-ayon
Akala ko pa nama’y wala nang maitutugon
‘Yon pala’y may tinatagong survey ng institusyon
Na lalong nagpaapoy sa ating emosyon.

Pangatlong tindig, may aabangan pa ba?
Kung may sasabihin  kayo’y maghanda na
Ibunyag  ang lahat, sa nariritong balana
Huwag nang mahiya, sang-ayon umuna ka

Sang-ayon:
Hindi naman basta-basta magbababa ng mandato
Ang KWF kung hindi siya seryoso
Sa saligang batas nga’y hinayaan ninyo
Pambansang wika’y tuluyang mabago

Bakit alfabeto’y di natin gamitin
Upang makasabay sa kaunlaran man din
Paano na ang mga terminong pang-agham at siyensiya
Kung mananatiling gamit ay abakada?

Sa buong daigdig computer na ang gamit
Anong ita-type na letra kapag tumitipa?
Abakada sa computer pinaglumaan na
Sa globalisasyo’y wala, pag-iiwanan ka

Di-sang-ayon:
Hindi naman kailangang alpabeto sa komersyo
Bakit ang Hapon at Tsina kay bilis ng asenso
Di naman gumagamit ng hiram na alpabeto?
Kaya’t di sukatan ang lenggwahe sa mundo

Wika nga nati’y patuloy na nagbabago
Ngunit di katwiran pagpapalit ng alpabeto
Kung di sumasang-ayon mamamaya’t linggwista
Dahil yan ay minadali, hindi man lang kinonsulta

Di ba’t gastos lang at kalituhan
Ang idudulot sa ating mamamayan
Lagi na lang ibinababa itong ating wika
Na animo’y segunda manong gamit ng madla

Sang-ayon:
Ang usaping pinansyal kaya nating palitan
Ngunit kasaysayan ay di dapat sinasayang
Wika nga ni Komisyuner Virgilio Almario
“Mas mahalaga ang historical kaysa pinansyal”

Di-sang-ayon:
Bakit ang kulit mo eh may tawag na tayo
Kahit anong pilit mo di nga namin gusto

Sang-ayon:
Kawawa ka naman kung sarado ang isipan
Para kang pagong na pinulot sa kangkungan
Di-sang-ayon:
Sabihin mo na ang gusto mong sabihin
Magpipiket pa rin kami, kanino mang komisyuner
Sang-ayon:
Ganyan nga ang ugali ng mababang uri
Ipinipilit ang mali matupad lang ang mithi

Di-sang-ayon:
Sino ang mas mababa kung bansa’y ipapariwara
Ng tulad mong kung mag-isip banyaga sa bansa

Lakandiwa:
Awat na mga katoto ulo niyo’y palamigin
Huwag kalimuta’t inyong pakaisipin
Wala tayo rito upang kayo’y pag-awayin
Bugso ng damdami’y inyo munang pakalmahin

Dalawang panig na narinig kapwa may katwiran
Sa bagay na kanilang pinagtatalunan
Kung nais nga namang umasenso ang bayan
Nararapat na bukas ang ating isipan

Ngunit kung ang pagbabago ayaw ng karamihan
Huwag maging diktador sa sariling bayan
Pagkat ang nakikita ng iisa’y kahangalan
Tagumpay kung susundin ang mamamayan

Kaya’t mga kaibigan atin ng tigilan
Baka san pa mapunta’t kayo’y magkainitan
Panig niyo’y naipahatid ng may kagalingan
Ako’y taas noong sa inyo’y gumagalang

Kaya’t mga kaibiga’t buong madlang tanan
Akin nang winawakasan itong ating balagtasan
Hiling ko ngayo’y magbati at magkamayan
Iwan ang init ng ulo ditto sa tanghalan

At bago namin lisanin itong tanghalan
Ang hatol ko sa dalawang nagtagisan
Hayaang kunin ko sa madlang nakakaalam
Sabay-sabay nating ibigay tropeo ng palakpakan.

Lahat:
Dapat ba o di dapat palitan
Ng F ang P sa Pilipinas?

Thursday, July 11, 2013

MAGHIHINTAY AKO

tula ni Robelina Cecille Grace Redillas ng grade 7 Star (2013-2014)

hindi ko alam kung bakit
basta alam ko, ika'y pinagkait
hindi masabi-sabing ika'y akin
ngunit gusto kong muli kang mapasakin

hindi ko alam kung kailan
basta ako'y maghihintay sa gitna ng kawalan
ako ay nakaupo sa gilid ng iyong larawan
hanggang sumapit ang iyong kaarawan

naririto ako umaasa na babalik ka
dahil tayo ay nangako sa isa't isa
naaalala mo pa ba
noong tayo ay bata pa?

lagi tayong magkasama
at nangakong magiging maligaya
ika'y malaya na
dahil wala ka na

TAGPUAN

tula ni Vhon Duane Mabugay ng Grade 7 Star (2013-2014)

sa aking pag-iisa sa tagpuang luma na
larawan mo'y kasa-kasama
larawang tila nabubura sa katagalan
ngunit hindi mawawala alaala ng pinagsamahan

ikaw na nagbibigay sakin ng lakas upang harapin mga problema
ikaw na nagsisilbing haraya
ikaw na nagsisilbing pintig ng akng pusong tulog na
ikaw na nais masilayang muli at makasama

ngunit ako'y nangungulila dahil wala ka na
wala ng pag-asa na mahagkan ka pa
puso ko'y lumuluha sa sobrang sakit
pagmamahal ko sayo'y hinanakit ang iginigiit

ngunit dahil sa mga limitasyong nangyari
larawan mo na lamang ang aking katabi
larawang kumukupas na
at sa tagpuang ito, kahapo'y inaalala

PAGDARAMDAM

tula ni Silverlie Ungab ng Grade 7 -Star (2013-2014)

kay gandang pagmasdan
ang imahe sa ibabaw ng buwan
pakiramdam ko'y gumagaan
sa tuwing ito ay nasisilayan

haraya ko'y aking naiisip sa tuwing nag-iisa
ninais kong siya ay aking makasama
luha ko'y bumaba
nang malaman kong siya ay wala na

naiwan akong nagdurusa
pagka't siya'y may iba na
ngayon alam ko na
na ako'y nagpakatanga

sa ibaba ng buwan ay muling tumingala
dala-dala ang sakit na aking nadarama
ngayon natauhan na
at muling babangonng mag-isa

PAALAM NA SA IYO

tula ni Ma. Miracle G. San Pedro ng Grade 7-Star (2013-2014)

sa aking paglipad ako'y marami ng nakasabay
ngunit sa aking paglipad walang naghihintay
lahat sila ay nang-iwan
bakit kaya,nagsawa na ba;t kaya't ako'y tinalikuran

sa bawat paglubog ng araw, di namamalayan
nagtataka kung bakit ako'y iyong iniwan
ngunit nalamang ako pala'y iyong kinalimutan
paano na kaya ang panahong sinamahan?

mapawi man at mawala
di ko kailangang mag-alala
dahil alam kong sa aking paglipad, makatatagpo ng iba
kahit wala ka na, mananatili anting alaala

sa aking isip ako'y lagi mong kasama
malayo man ako, malayo ka
magkahiwalay man tayo
sa panahong ito, sino kaya ang kasama mo?

at sa panahon ko, sino kaya ang makakasama ko?
alam kong maghihintay muli ako
dahil nananabik muli ako
sa lahat ng alaalang iniwan mo.

Tuesday, July 2, 2013

HULING PANALANGIN



Bata palang ako noong una ko siyang nakilala. Lagi ko siyang nakakasama tulad ng iba kong mga kaibigan. Siya ang laging natatapat sa akin bilang kapareha. Madalas pa nga’y sabay na kaming gumagawa ng aming mga takdang-aralin, kung hindi sa bahay namin ay sa bahay nila. Kaya kilala na kami ng aming mga magulang.

Maituturing ko na siguro siyang matalik kong kaibigan. Ngunit napapansin kong ang nararamdaman ko ay iba tuwing kasama ko siya. Tila rumaragasang tubig sa bilis ng pagtibok ng aking puso sa tuwing nariyan siya. Pero alam kong hindi pwede itong aking nararamdaman. Dahil matalik ko siyang kaibigan.

Panandalian kaming naghiwalay pagkat kailangan niyang mangibangbayan. Sinama siya ng kanyang mga magulang para mag-aral sa ibang bansa. Hindi maipinta ang aking mukha nang marinig ko ang balitang iyon. Masakit sa akin na mapalayo sa kanya. Ngunit kailangang tanggapin. Nangako siyang babalikan niya ako, dahil hindi raw niya makakalimutan ang matalik niyang kaibigan.

Sa mga unang linggo ng kanyang pananatili sa ibang bansa ay madalas kaming nakakapag-usap sa tulong ng internet. Habang Masaya siyang nagkukwento ay tinititigan ko lamang siya sa screen ng aking laptop. Minsan hindi ko na naiintindihan ang kanyang mga sinasabi dahil lumilipad ang aking isip. Binubulong ko sa sarili na “mahal kita, bumalik ka na rito, para magkasama na tayo”.

Lumipas ang ilang buwan, nagging madalang na ang aming pag-uusap. Ang komunikasyon naming araw-araw ay naging isang beses sa isang buwan, isang beses sa tatlong buwan at umabot na sa wala na talaga. Hindi ko alam kung bakit hindi na siya nakakapagreply sa mga messages ko. Dahil sa nangyari, kalungkutan na lang ang bumalot sa akin.

Nakararamdam ako ng kakaibang sakit sa aking puso, gayundin sa aking katawan. Madalas na akong dinadala ng aking magulang sa ospital. Mas matagal na ang inilalagi ko sa lugar na iyon kaysa sa aming bahay. Narinig kong sinabi ng doctor sa aking mga magulang na ako na lang mismo ang makagagamot at makapagpapagaling sa sarili ko. Dahil ako lang ang nakaaalam paano ko maiaalis ang matinding kalungkutan sa buhay ko.

Kahit anong pilit ng aking mga magulang na pasayahin ako, hindi ko magawa. Alam kong ang tanging makagagamot lang sa akin ay ang aking matalik na kaibigan, na matagal ko ng minamahal.

Lumala ang aking sakit. Bumigay na ang ibang parte ng aking katawan dahil sa hindi pagkain at hindi pagtulog ng tama. Nasira ang aking buhay gayundin ang mga pangarap namin ng aking magulang. Ang pangarap nilang Makita akong nagmamartsa patungo sa pag-abot ng aking pangarap ay natuldukan na. Dahil sa pagpapabaya sa aking sarili dahil sa kanya. Sa nangyari sa akin, masasabi kong mas minahal ko siya kaysa sa aking pamilya at lalong higit na minahal ko siya kaysa sa aking sarili.

Nang nailabas na ako sa ospital at kasalukuyang namamahinga sa aking kwarto, bigla akong nagulat sa aking nakita. Isang lalaking naka jacket, may bitbit na bag at may hawak na bulaklak. Napaluha akong bigla nang lumapit siya sa akin at sinabing “im back”. Muli kong naramdaman ang bilis ng pagtibok ng aking puso, na siyang naging dahilan ng aking pagkahirap sa paghinga. ngunit ito’y aking pinaglabanan dahil ayokong masira ang pagkakataong nasa harap ko siya, kasama ko siya. Naglakad-lakad kami sa aming subdivision hanggang sa marating ang lugar na aming madalas tambayan nung kami ay nasa hayskul pa lang. Knuwento niya lahat ng kaniyang naging karanasan sa ibang bansa. Nabanggit niya rin na hindi na siya pinababalik dito ng kanyang magulang pero nagpumilit siya para balikan yung pinangakuan niya. Tuwang-tuwa ako nang marinig ko ang sinabi niya. Hanggang sa sinabi niyang may ipagtatapat siya sa akin at piniringan ang aking mga mata. Nang tinanggal niya ang piring ay nakita ko ang isang babae sa aking tabi, at pinakilala niya ito sakin. Sa akin niya unang ipinakilala ang kanyang pinangakuang babae na kanyang pakakasalan. Dahil daw ako ang kanyang matalik na kaibigan ay siyang dapat mauna sa balita.

Parang huminto ang pag-ikot ng aking mundo. Tumakbo ako ng mabilis pabalik sa aming bahay, at doo’y inilabas ko ang galit sa aking damdamin. Wala akong nagawa kundi ang umiyak. Sinira ko ang buhay ko dahil sa lalaking hindi naman ako ang gusto. Hindi na magtatagal ang buhay ko dahil sa ginawa kong pagmamahal sa kanya.

Nagising ako sa hagulgol ng aking ina. Naulinigan kong hindi na magtatagal at ako ay mawawala na sa mundo. Tumayo ako at lumapit sa aking ina, hinagkan at humingi ng kapatawaran. Ako ang sumira ng buhay ko, ako ang sumira ng pangarap namin dahil sa pag-ibig. Ang pag-ibig na sana’y dahilan ng pagtatagumpay ay naging dahilan ng aking pagkabagsak.

Ang pag-ibig ko sa kanya ay hindi ko ginamit bilang inspirasyon kundi bilang isang dalamhati. Umasa ako sa pangako niyang babalikan niya ako at ipagtatapat na ako ang kanyang gusto. Hinintay ko ang panahong hindi naman dumating.


Bago ako pumanaw sa mundong ito, sinambit ko sa aking huling panalangin na sana’y mahalin siya ng taong kanyang mahal at huwag siyang pababayaan. Sana’y noon pa pinagtapat ko na sa kanya ang aking nadarama... baka sakaling yun lang din ang kanyang hinihintay.