DAPAT
BA O HINDI DAPAT PALITAN NG F ANG P SA PILIPINAS ?
Ni : Bb. Winnaflor G. Gaspar
Pambansang Paaralang
Sekundarya ng Batasan Hills
Lakandiwa
:
Isang magandang araw pagbati ko sa inyo
mga kaibigang sa tanghala’y naririto
sumandaling makinig, ilaan ang tainga
n’yo
sa isyung pagtatalunan nitong mga
panauhin ko.
Kamakailan kasi’y sumabog sa tanan
Isyung kayliit kung ating titingnan
Ano’t sa dami ng pwedeng pagtalunan
Haya’t isang letra’y kanya-kanyang
angilan
Dapat ba o di dapat na ating palitan
Ang ngalan ng bansang ating nakamulatan
Gawing F ang P ng Pilipinas sa
palabaybayan
Isyung gumugulo panahon pa ni Magellan
Kayat upang matugunan ang ating
agam-agam
Dalawang eksperto’y aking inimbitahan
ipagmamatigas kanilang pinapanigan
Kung F ang gagamitin o letrang P’y
pananatilihin
Itong aking katoto sa gawi kong kanan
Pilit sinasalungat itong kasaysayan
Di raw dapat ipilit ang ayaw ng
sambayanan
Panatilihin ang letrang P na nakasanayan
Sa aking kaliwa’y kanyang
ipinagpipilitan
Mungkahing palitan ng F ang pangalan
Pagkat sa ortograpiya’y naroroon naman
Upang bumagay sa panahong kasalukuyan.
Kaya’t bago pa magdilim itong ating tanghalan
Sa tindi ng pagsabog ng mga katwiran
Pingkian ng galing atin nang subukin
Tawagin ang panauhi’t magpakilala sa
atin
Sang-ayon:
Magandang araw mga kabaro kong
naniniwala sa pagbabago
________________ ang sa inyo’y
sumasaludo
Sumasang-ayong palitan ang P sa
Pilipinas na ispeling
F ang nararapat na ating gamitin
Di-sang-ayon:
Isang mapagpalang umagang may ngiti sa
aking labi
_______________ ang sa inyo’y bumabati
Letrang F ay di ko nais ipalit
Sa letrang P ng Pilipinas, akin itong
igigiit
Lakandiwa:
Di pa man naglalao’y tila sili sa
anghang
Pagpapakilala pa lang ay agad ang
singhalan
Paano pa kaya kapag tagisa’y sinimulan
Huwag sanang delubyo umabot sa tanghalan
At upang mapakinggan unang tindig ng sa kanan
Panig ng sang-ayon sa pagpalit ng
pangalan
Kanyang ipagtatanggol umabot man sa kung
saan
Atin siyang patindigin sa matunog na
palakpakan!
Sang-ayon:
Noong taong 1548 bansa natin ay
pinangalanan
Kastilang si Villalobos, orihinal niyang
binansagan
Filipinas ay kinilala, sunod sa hari ng
Espanya
Kasaysayang walang duda, katotohanang
talaga
Taong 1565 nang dumating naman si
Legaspi
Hanggang sa panahon ng bayaning si Mabini
Patuloy itong ginamit upang ating
makamit
Kalayaang minimithi sa nang-aaliping
lahi
Unang republika rin dito sa asya ay
ginaya
Filipinas opisyal na tawag nila
Bansang nangunguna sa kaunlaran baga
Bakit di makita ang kanyang halaga?
Sinasabing ang wika ay buhay at
nagbabago
Kaya nga’t alpabeto ay tila tao
Bakit gagamit ng abakada ni lolo
Kung sa ortograpiya’y higit kang
aasenso?
Sa abakada’y walang hiram na letra
Sa gramatika at panitikang ating
binabasa
Limitadong-limitado sa kaalaman sana
Na magbubuklod sa atin sa kasaysayang
sinta
Kaya’t mga tagapakinig, inyo nang
susugan
Letrang F sa Pilipinas, tanggapin nang
lubusan
Tandaan walong letra ginagamit na natin
Filipinas ang siyang dapat tangkilikin
Di-sang-ayon:
Mga kaibigan huwag n’yo siyang pakinggan
Utak niya’y nahaluan na ng pagkadayuhan
Pilit niyang tinatangkilik mga letrang
hiniram
Kasaysayan ang dahilan, sapat nga bang
batayan?
Nakasanayan na nating bigkasin ang
ngalang Pilipinas
Bakit kailangan pang baguhin ang bigkas
Fifilifitin ba natin ang bawat igkas
Ng dilang di magkandatuto sa salitang
Filipinas?
Pinanghahawakan mo’y datos lamang ng kasaysayan
Noong panahon ng kastila at himagsikan
Lope K. Santos di ba’t bahagi rin naman
Na siyang unang nag-ayos ng abakadang
tinuran
Ang baybay F sa Pilipinas mong
ipinangalan
Wala sa Abakada nong panahon mong
pinangangalandakan
Kaya’t minarapat ni Santos na ito’y palitan
Pagka’t nagugunita lamang sa kastila’y
kaapihan.
Lakandiwa
:
Mukhang nagkakainitan na ang dalawa
nating matikas
Mga ideya nila’y tila ginawang
panghimagas
Paalala lang sa inyo mga ginoong
magigilas
Ito’y isa lamang tagisan sa dulas
Muli nating pakinggan kanilang
sinususugan
Bawa’t isa’y handang katwira’y ipaglaban
Kaibigang sang-ayon iyo nang simulan
Baka mo pa malimutan punto mo sa
katagalan
Sang-ayon
:
Di ba’t nagiging kumplikado at
katawa-tawa
Patuloy na paggamit ng P sa Pilipinas
baga
Gayong ang sinasabi ng konstitusyong
1973
Filipinong F ang makapangyayari
Bakit sa gayon “Filipino” ang wika
ngunit “Pilipinas” ang bansa?
Kung Pilipino ang mamamayan wika at
kultura
Aba’y saan galing ang tawag na
“Filipina”?
Di ba’t mas praktikal na “Filipinas” ang
itawag mo
At sa mamamaya’t wika’y salitang “Filipino”?
Lakandiwa
:
Matatalas at matitindi ang binitiwan
nitong sang-ayon
Masasangga pa ba nitong salungat sa
opinyon
Mga ipinukol na tuntuni’t batas
Paano babalikwas sa katwirang matatas ?
Hayo na’t katwiran niya’y salungatin
Kung di na kaya’y maari namang sabihin
Sumusuko ka na’t huwag nang pakalimiin
Panig mo’y panindigan laban kung laban.
Di
Sang-ayon :
Kung babaguhin man ating bansang
pangalan
Bakit kailangang unang letra lang ang
palitan
Dahil pagpapalit ng letra’y desisyong
paurong
Ibabalik lang tayo sa nakalipas na
panahon.
Ang sinasabi mong batas kanino ba
nagmula?
Di ba’t sa mamamayan din na siyang
lumagda
Kaya’t anumang bagay kung ayaw nila’y
walang bisa
Anong ipinagmamalaki mo’t
pinagsasasalita?
Kung nais pa ng proweba’y bakit di ka manood
at magbasa
Nang ma-update ka sa sinasabi nila
Survey ng tv program na “Umagang
Kayganda”
Ang may gusto’y labing-isa, 89 porsyento
ay kontra.
Kahit pa sa social media ikaw ay
bumisita
Ang yahoo.com nagsurvey sa prefer nila
Philippines, Pilipinas o Filipinas baga
Baka di mo kayanin resultang nakaloloka
9 na porsyento sa Filipinas ang gusto
Beinte porsyento sa Pilipinas na ipinipilit ko
71 porsyento sa Philippines ang paborito
O, ano pang hirit ang sasabihin mo?
Lakandiwa
:
Aba’y nakagugulat din pala itong di
sang-ayon
Akala ko pa nama’y wala nang maitutugon
‘Yon pala’y may tinatagong survey ng
institusyon
Na lalong nagpaapoy sa ating emosyon.
Pangatlong tindig, may aabangan pa ba?
Kung may sasabihin kayo’y maghanda na
Ibunyag ang lahat, sa nariritong balana
Huwag nang mahiya, sang-ayon umuna ka
Sang-ayon:
Hindi naman basta-basta magbababa ng
mandato
Ang KWF kung hindi siya seryoso
Sa saligang batas nga’y hinayaan ninyo
Pambansang wika’y tuluyang mabago
Bakit alfabeto’y di natin gamitin
Upang makasabay sa kaunlaran man din
Paano na ang mga terminong pang-agham at
siyensiya
Kung mananatiling gamit ay abakada?
Sa buong daigdig computer na ang gamit
Anong ita-type na letra kapag tumitipa?
Abakada sa computer pinaglumaan na
Sa globalisasyo’y wala, pag-iiwanan ka
Di-sang-ayon:
Hindi naman kailangang alpabeto sa komersyo
Bakit ang Hapon at Tsina kay bilis ng
asenso
Di naman gumagamit ng hiram na alpabeto?
Kaya’t di sukatan ang lenggwahe sa mundo
Wika nga nati’y patuloy na nagbabago
Ngunit di katwiran pagpapalit ng
alpabeto
Kung di sumasang-ayon mamamaya’t linggwista
Dahil yan ay minadali, hindi man lang
kinonsulta
Di ba’t gastos lang at kalituhan
Ang idudulot sa ating mamamayan
Lagi na lang ibinababa itong ating wika
Na animo’y segunda manong gamit ng madla
Sang-ayon:
Ang usaping pinansyal kaya nating
palitan
Ngunit kasaysayan ay di dapat sinasayang
Wika nga ni Komisyuner Virgilio Almario
“Mas mahalaga ang historical kaysa
pinansyal”
Di-sang-ayon:
Bakit ang kulit mo eh may tawag na tayo
Kahit anong pilit mo di nga namin gusto
Sang-ayon:
Kawawa ka naman kung sarado ang isipan
Para kang pagong na pinulot sa
kangkungan
Di-sang-ayon:
Sabihin mo na ang gusto mong sabihin
Magpipiket pa rin kami, kanino mang
komisyuner
Sang-ayon:
Ganyan nga ang ugali ng mababang uri
Ipinipilit ang mali matupad lang ang
mithi
Di-sang-ayon:
Sino ang mas mababa kung bansa’y
ipapariwara
Ng tulad mong kung mag-isip banyaga sa
bansa
Lakandiwa:
Awat na mga katoto ulo niyo’y palamigin
Huwag kalimuta’t inyong pakaisipin
Wala tayo rito upang kayo’y pag-awayin
Bugso ng damdami’y inyo munang pakalmahin
Dalawang panig na narinig kapwa may
katwiran
Sa bagay na kanilang pinagtatalunan
Kung nais nga namang umasenso ang bayan
Nararapat na bukas ang ating isipan
Ngunit kung ang pagbabago ayaw ng
karamihan
Huwag maging diktador sa sariling bayan
Pagkat ang nakikita ng iisa’y kahangalan
Tagumpay kung susundin ang mamamayan
Kaya’t mga kaibigan atin ng tigilan
Baka san pa mapunta’t kayo’y magkainitan
Panig niyo’y naipahatid ng may
kagalingan
Ako’y taas noong sa inyo’y gumagalang
Kaya’t mga kaibiga’t buong madlang tanan
Akin nang winawakasan itong ating
balagtasan
Hiling ko ngayo’y magbati at magkamayan
Iwan ang init ng ulo ditto sa tanghalan
At bago namin lisanin itong tanghalan
Ang hatol ko sa dalawang nagtagisan
Hayaang kunin ko sa madlang nakakaalam
Sabay-sabay nating ibigay tropeo ng
palakpakan.
Lahat:
Dapat ba o di dapat palitan
Ng F ang P sa Pilipinas?
No comments:
Post a Comment