Bata palang ako noong una ko siyang
nakilala. Lagi ko siyang nakakasama tulad ng iba kong mga kaibigan. Siya ang laging
natatapat sa akin bilang kapareha. Madalas pa nga’y sabay na kaming gumagawa ng
aming mga takdang-aralin, kung hindi sa bahay namin ay sa bahay nila. Kaya
kilala na kami ng aming mga magulang.
Maituturing ko na siguro siyang
matalik kong kaibigan. Ngunit napapansin kong ang nararamdaman ko ay iba tuwing
kasama ko siya. Tila rumaragasang tubig sa bilis ng pagtibok ng aking puso sa
tuwing nariyan siya. Pero alam kong hindi pwede itong aking nararamdaman. Dahil
matalik ko siyang kaibigan.
Panandalian kaming naghiwalay
pagkat kailangan niyang mangibangbayan. Sinama siya ng kanyang mga magulang
para mag-aral sa ibang bansa. Hindi maipinta ang aking mukha nang marinig ko
ang balitang iyon. Masakit sa akin na mapalayo sa kanya. Ngunit kailangang
tanggapin. Nangako siyang babalikan niya ako, dahil hindi raw niya
makakalimutan ang matalik niyang kaibigan.
Sa mga unang linggo ng kanyang
pananatili sa ibang bansa ay madalas kaming nakakapag-usap sa tulong ng
internet. Habang Masaya siyang nagkukwento ay tinititigan ko lamang siya sa
screen ng aking laptop. Minsan hindi ko na naiintindihan ang kanyang mga
sinasabi dahil lumilipad ang aking isip. Binubulong ko sa sarili na “mahal
kita, bumalik ka na rito, para magkasama na tayo”.
Lumipas ang ilang buwan, nagging madalang
na ang aming pag-uusap. Ang komunikasyon naming araw-araw ay naging isang beses
sa isang buwan, isang beses sa tatlong buwan at umabot na sa wala na talaga. Hindi
ko alam kung bakit hindi na siya nakakapagreply sa mga messages ko. Dahil sa
nangyari, kalungkutan na lang ang bumalot sa akin.
Nakararamdam ako ng kakaibang
sakit sa aking puso, gayundin sa aking katawan. Madalas na akong dinadala ng aking
magulang sa ospital. Mas matagal na ang inilalagi ko sa lugar na iyon kaysa sa
aming bahay. Narinig kong sinabi ng doctor sa aking mga magulang na ako na lang
mismo ang makagagamot at makapagpapagaling sa sarili ko. Dahil ako lang ang
nakaaalam paano ko maiaalis ang matinding kalungkutan sa buhay ko.
Kahit anong pilit ng aking mga
magulang na pasayahin ako, hindi ko magawa. Alam kong ang tanging makagagamot
lang sa akin ay ang aking matalik na kaibigan, na matagal ko ng minamahal.
Lumala ang aking sakit. Bumigay
na ang ibang parte ng aking katawan dahil sa hindi pagkain at hindi pagtulog ng
tama. Nasira ang aking buhay gayundin ang mga pangarap namin ng aking magulang.
Ang pangarap nilang Makita akong nagmamartsa patungo sa pag-abot ng aking
pangarap ay natuldukan na. Dahil sa pagpapabaya sa aking sarili dahil sa kanya.
Sa nangyari sa akin, masasabi kong mas minahal ko siya kaysa sa aking pamilya
at lalong higit na minahal ko siya kaysa sa aking sarili.
Nang nailabas na ako sa ospital
at kasalukuyang namamahinga sa aking kwarto, bigla akong nagulat sa aking
nakita. Isang lalaking naka jacket, may bitbit na bag at may hawak na bulaklak.
Napaluha akong bigla nang lumapit siya sa akin at sinabing “im back”. Muli kong
naramdaman ang bilis ng pagtibok ng aking puso, na siyang naging dahilan ng
aking pagkahirap sa paghinga. ngunit ito’y aking pinaglabanan dahil ayokong masira
ang pagkakataong nasa harap ko siya, kasama ko siya. Naglakad-lakad kami sa
aming subdivision hanggang sa marating ang lugar na aming madalas tambayan nung
kami ay nasa hayskul pa lang. Knuwento niya lahat ng kaniyang naging karanasan
sa ibang bansa. Nabanggit niya rin na hindi na siya pinababalik dito ng kanyang
magulang pero nagpumilit siya para balikan yung pinangakuan niya. Tuwang-tuwa
ako nang marinig ko ang sinabi niya. Hanggang sa sinabi niyang may ipagtatapat
siya sa akin at piniringan ang aking mga mata. Nang tinanggal niya ang piring
ay nakita ko ang isang babae sa aking tabi, at pinakilala niya ito sakin. Sa
akin niya unang ipinakilala ang kanyang pinangakuang babae na kanyang
pakakasalan. Dahil daw ako ang kanyang matalik na kaibigan ay siyang dapat
mauna sa balita.
Parang huminto ang pag-ikot ng
aking mundo. Tumakbo ako ng mabilis pabalik sa aming bahay, at doo’y inilabas
ko ang galit sa aking damdamin. Wala akong nagawa kundi ang umiyak. Sinira ko
ang buhay ko dahil sa lalaking hindi naman ako ang gusto. Hindi na magtatagal
ang buhay ko dahil sa ginawa kong pagmamahal sa kanya.
Nagising ako sa hagulgol ng aking
ina. Naulinigan kong hindi na magtatagal at ako ay mawawala na sa mundo. Tumayo
ako at lumapit sa aking ina, hinagkan at humingi ng kapatawaran. Ako ang sumira
ng buhay ko, ako ang sumira ng pangarap namin dahil sa pag-ibig. Ang pag-ibig
na sana’y dahilan ng pagtatagumpay ay naging dahilan ng aking pagkabagsak.
Ang pag-ibig ko sa kanya ay hindi
ko ginamit bilang inspirasyon kundi bilang isang dalamhati. Umasa ako sa
pangako niyang babalikan niya ako at ipagtatapat na ako ang kanyang gusto. Hinintay
ko ang panahong hindi naman dumating.
Bago ako pumanaw sa mundong ito,
sinambit ko sa aking huling panalangin na sana’y mahalin siya ng taong kanyang
mahal at huwag siyang pababayaan. Sana’y noon pa pinagtapat ko na sa kanya ang
aking nadarama... baka sakaling yun lang din ang kanyang hinihintay.
No comments:
Post a Comment